dahil undas

Malamang na hindi lamang ako yung naka pansin na tuwing sasapit ang araw ng undas, nagsisilabasan ang mga pelikulang horror o ‘di kaya ay mga tv shows na tungkol sa multo.

Merong tungkol sa mga nagpapakitang multo sa mga lumang (at pati na rin sa mga bagong) building. Siyempre, nandyan din ang horror stories ng ating ginigiliw na mga ta-artits.

Minsan lang napanuod ko yung tungkol sa artistang (sex bomb dancer ata) sinaniban daw ng multo–na hanggang ngayon ay hindi pa rin na-eexorcise pero pwede nang magpa-interview.

Sa wakas, naisip ko, natuto na rin ang ating mga multo. Hindi na sila papayag ngayon na mga eksperto na lamang ang magsasalita tungkol sa kanila. ‘Di na pwede sa kanila na ang spirit questors na lamang ang magmamarunong at magsasabing: “eto ang mensahe ng ama mong patay na…”

Ngayon, nagpapa-interview na sila. Para sa akin, mas mabuti yun. Malinaw na ang lahat. At isa pa, ok yun para sa ating mga buhay pa dahil kung ‘di man tayo ma-interview sa tv habang tayo’y buhay pa…e walang problema dahil sa kabilang-buhay pwedeng-pwede pa rin.

O kitam? Talaga nga naman hindi tayo dapat maubusan ng pag-asa.

Naalala ko tuloy yung kwentong-kutsero ng aking driver. Para sa mga mahihirap, hindi sila nawalan ng pag-asang hindi sila makasasakay sa de-aircon na kotse. Pag namatay naman sila, tiyak makatitikim din sila ng kotseng de-aircon. May awa talaga ang Diyos.

Pero mabalik tayo sa usapin ng sanib.

Isa pang madalas kong naririnig ka terminolihiyang ginagamit na katumbas din ng ‘sanib’ ay ‘binababaan’. Madalas ginagamit ang huling salita sa mga ika nga ay pagamutang espritwal kung saan ‘bababaan’ ng santo (o minsan ay ang mismong Diyos pa nga) ang manggagamot. Yung Diyos na sumanib ang siyang gagamot.Kaya ‘binabaan’ ang salitang ginagamit ay dahil mula sa langit ay bababa ang daw yung espirito at papasok sa manggagamot.

Minsan, pag binabaan na yung manggagamot, mag-iiba yung tinig. Merong naboboses bata; boses matanda. Meron ding nagsasasayaw; nagkakakanta; kung anu-ano pa. Pero wala pa akong nakitang nagbabasketball. Baka hindi uso sa langit.

Eto naisip ko lang. Papano kung demonyo yung sumanib? Dapat siguro ‘inaakyat’ yung tawag; hindi lang basta sinaniban. For the sake of clarity lang, ika nga. At kung napatay na miyembro ng NPA ang sumasanib, ang tawag diyan ay ‘ginagapang’.

Diyan sa kwentuhan tungkol sa sanib, di ko talaga masasabi kung totoo yun o hindi.

Kung di ako nagkakamali, sa psychology class ko dati may nabasa akong artikulo mula kay Fr. Bulatao ng Society of Jesus tungkol dito. Di ko lang matandaan yung title.

Ang sabi ni Father (na isa ring eksperto sa field ng psychology), may psychological problem yung mga sinasaniban. there’s no such animal, ika nga. Marami na nga raw kaso ng pagsasanib na nahawakan si Father Bulatao pero madalas, sa simpleng paggamit lamang ng mga psychological techniques eh na ‘e-eexorcise’ si mamang multo. Sa madali’t sabi, may katok sila.

Kung ako ang tatanungin, mas naniniwala ako kay Father Bulatao dahil bukod sa masusi niya itong napag-aralan, parang isang napakadaling pagdadahilan lamang yung pagsasabing nasaniban ang isang tao. kung baga e, excuse na lang yun.

“a tinotopak na naman si Ka Estong!”

“sinaniban na naman yan! tawagin si Mang Gusting at ang kanyang palikpik ng manok!”

Mahal kasi magpatingin sa doktor. Mas mura kay Mang Gusting. Chibog at toma lang minsan solve na.

Madalas naman, lalo na kung si Hesus daw ang bumababa, parang napakasarap isipin na: eto na nga’t kapiling mo harap-harapan si Hesus. Siguro ay naka-ugat talaga ito sa isang karanasan ng pagka-hiwalay sa Diyos. Parang may pakiramdam na malayo tayo sa Diyos kaya mas ok na kung maniwala na lamang na totoong bumababa ang Diyos para kahit minsa’y makapiling natin siya sa isang pisikal na pamamaraan.

O, pwede rin na walang pasensya ang tao. Hindi pwede yung magdadasal na lamang at hintayin yung sagot ng Diyos. Kelangan ora-mismo. Parang instant noodles. At may mas gaganda pa bang paraan kundi ang pababain ang Diyos mula sa langit at kausapin?

Marami pa sigurong mas malalim na dahilan kaysa sa mga ibinigay ko.

Pero ang gusto ko lamang talaga malaman, sa kadulu-duluhan nitong entry na ‘to ay na kung si Roman (sa pelikulang TxT) ay nagbabayad ng phone bill o hindi na. At kung nagbabayad man, kanino? May ghost employees din ba ang Smart?

Advertisements

About this entry